Sino Ako?

Ako ay isang Pilipino. At ang tanging layunin ko ay makatulong sa kapwa ko bilang isang inspirasyon at sa pagbabahagi ng aking mga natuklasang kaalaman na hindi lahat nakakarating sa kaalaman ng bawat tao.
Hindi ko sinasabing ako ay napakayaman na. Ngunit pakiramdam ko ay mayaman na ako kung ikukumpara mo ang sitwasyon ko ngayon sa sitwasyon ko noon.

Ipinanganak ako at lumaki sa bukid sa isang malayong probinsya. Anim kaming magkakapatid na binuhay ng aming magulang sa pagsasaka. Kahirapan na ang aming kinamulatan. Sa murang edad ko ay natutunan ko kung paano kumita ng pera para may pambaon sa skul. Pagdating ko sa bahay, gumagawa ako ng walis tingting saloob ng isang oras. Kailangan, maka-isang tali muna ako bago ako magluto ng hapunan. Para kinabukasan, ibebenta ko ang walis na iyon para may tatlong piso akong baon. Kung hindi naman ako makagawa ng walis, isang buong niyog na lang ang ibebenta ko. Minsan naman, nilagang mani o nilagang mais. Kahit ano, basta may pangkain kami sa tanghalian.

Walang kalsada sa amin kaya naglalakad kami ng lampas isang oras umaga't hapon para makapasok. Kapag tag-ulan, bitbit namin ang aming tsinelas at nakapaa lang kami sa paglalakad at ang masklap pa nito, pitong ilog pa ang aming tatawirin.

 Lahat ng iyan ay nalampasan ko at nakapagtapos ako ng haiskul. Nung nasa kolehiyo na ako ay sari-saring trabaho din ang aking pinasukan ngunit hindi ko natapos ang aking kurso. Nagtrabaho ako sa mga electronics company hanggang sa mag-asawa. Natutong mangarap at dito na nagsimulang magbago ang aking buhay.